Ako ay biktima ng pang-aalipin. Pinanganak akong isang alipin ngunit sinusumpa kong hindi ako mamamatay na isang alipin. Oo. Pang-aalipin. Alipin ng bayan, alipin ng kahirapan, alipin ng kapalaran.

   
Muli’t muli ay naaalala ko si Ginoong Arman, guro ko sa matematika. Sa tuwina’y naaalala ko kung gaano siya kapoot sa kahirapan, kung paano niya kami batukan sa tuwing hindi kami nagseseryoso sa pag-aaral o sa tuwing naglalagpakan ang aming mga marka sa kanyang mga pagsusulit. Si Ginoong Arman – isang taong bakas sa mga mata ang kahindik-hindik na galit sa kahirapang dinulot ng nakaraan. Kung anuman ang mga hirap na iyon ay hindi ko na alam.

   
“Mag-aaral kayo! Mahirap maging mahirap!” Yan ang lagi niyang sinasabi. Oo, ginoo. Mahirap maging mahirap. Hindi sa naniniwala ako sa iyo kundi dahil sa ramdam ko ang kahirapang nilabanan mo noon.

   
Ngayon, unti-unti akong nilalamon ng kahirapan. Pilit na pinag-aaral ng mga magulang sa prestihiyosong paaralan at ginagawa ang lahat upang may maibayad sa matrikula. Uutang ng malaking halaga may maipang-bayad lang.

   
Pag-aaral nga ba ang susi upang makatakas sa nakapinid na pintuan ng kahirapan? Sa panahong ito, hindi ko masagot. Sa tingin ko, napaka-impraktikal na gumastos ng napakalaking halaga para sa huli ay maging tambay at walang trabaho. Ilan nga ba sa ating mga kababayan ang nakapagtapos ng kolehiyo at nagamit ang apat o limang taong pinag-aralan sa kani-kanilang mga trabaho? Ginoo, mukhang ang sinasabi ninyong panlaban sa kahirapan ay isa naring elementong nagpapahirap sa ating bayan.

   
Kung ako lamang ang masusunod, mas gugustuhin kong tumigil sa pag-aaral. Pagod na pagod na akong marinig ang mga hinaing ng aking ama’t ina tungkol sa mga gastusin. Ngunit ano ang aking magagawa? Isa lamang akong estudyante at walang magawa upang magkapera. Kung ako lamang ang masusunod, titigil na ako sa pag-aaral at pipiliing magtrabaho na. Subalit, kung gagawin ko iyon, baka muling bumilis ang andar ang makina ng kahirapan. Sa ngayon, mabagal ang paglamon niya sa akin. Ngunit kung hindi ko lalabanan, baka sa isang kisapmata, malugmok na naman ako sa kumunoy na pilit humihila sa akin paibaba.

   
Sinisisi ng ilan na marami at nagkalat ang mga kriminal at masasamang loob sa ating bansa dahil hindi sila nakapag-aral. Walang marangal na trabaho dahil walang nakamit na diploma o di kaya’y mga papeles na nagsasabing sila ay nakapag-aral. At dahil sa walang trabaho,  nakapanlalamang sa kapwa upang masolusyunan ang kumakalam na tiyan. Pagkatapos? Magpapatuloy lang kadena ng kahirapan.

   
Kung ang isang edukada nga sa gobyerno ay nagagawang makapanlinlang sa buong bayan, ano pa kaya ang isang mangmang na ang tanging ninais ay makakain kahit isang beses sa isang araw? Sa anong punto sa kadena napuputol at nawawasak ang kahirapan? Hindi ko alam.

   
Ngunit kung ibabase ang sagot sa nangyari kay Ginoong Arman, marahil pagsisikap at edukasyon ang nararapat na sagot.

   
Noong mga nakaraang buwan ay nagpapaalam ako sa aking mga kaibigan dahil pinili kong huminto sa pag-aaral. Ngunit, magpapatuloy daw ako sabi ng aking ama. Ang kapalit? Isang lubos na paghihirap upang makahanap ng pera. Hindi ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko sa tuwing nakikitang pagod ang aking ama mula sa pagmamaneho ng traysikel o di kaya sa hirap ng aking ina sa pagluluto at pagtitinda ng pagkain. Hindi ko maipaliwanag ang kagustuhang tulungan sila. Sinubukan ko na ang lahat ng paraan upang mapagaan ang kanilang paghihirap, ngunit sabi nila, tanging pag-aaral lang ang aking magagawa.

   
Kaya ikaw na nagbabasa nito, kung mayaman ka man at kaya ng mga magulang mo na pag-aralin ka, mag-aral ka ng mabuti. Wag mong isipin na dahil sa mayaman naman kayo ay pwede mo nang balewalain ang paghihirap nila.

   
Kung ikaw naman ay tulad ko, magsumikap ka! Pasalamatan at lubusang mahalin ang iyong ama’t ina. Hindi madaling makita na naghihirap ang iyong mga magulang. Sa huli, may patutunguhan rin ang lahat ng paghihirap. Wag mong sayangin ang pagkakataon sa halip, maging bukas sa lahat ng oportunidad upang matuto. Mabuhay kayo, oh estudyanteng nagsusumikap!

   
Mga kapwa ko mag-aaral, sana ay alam nating lahat ang tunay na layunin kung bakit tayo nagtitiyagang pumasok sa paaralan. Tayo ay hindi pumapasok dahil sa perang ipinapabaon sa atin ng ating mga ina sa halip tayo ay pumapasok dahil sa mga aral na ipapabaon sa atin ng paaralan. Tayo ay pumapasok hindi para makipagdaldalan sa halip tayo ay pumapasok upang magbahagi ng nalalaman sa klase. Tayo ay hindi rin pumpasok dahil sa gusto ng ating mga magulang na mag-aral tayo sa halip tayo ay pumapasok dahil ating pinapahalagahan hindi lamang ang kanilang pagsisikap pati narin ang kanilang pagpapahalaga sa edukasyon.

   
Mahirap mag-aral lalo na kung maraming iniisip na problema. Ngunit, ang edukasyon ay isang paglalakbay tungo sa kastilyo ng kahirapan. Ang edukasyon ay isang paghahanda sa giyera laban sa kahirapan at habang naghahanda, laging isipin na dapat ikaw ay nagsasaya. Walang saysay ang lahat kung hindi mo gusto ang iyong ginagawa. Walang saysay ang paglaban sa kahirapan kung ang sarili mo mismo ang iyong kalaban.

Ako ay alipin ng kahirapan, ngunit hindi panghabangbuhay na ako’y isang alipin.






-Pablo Juan




Leave a Reply.

    "A little faith can do wonders... A little faith."
    -Bishop Aringarosa, The Da Vinci Code

    Click to set custom HTML

    BABALA...

    Sa parteng ito, inaaasahan ko po ang inyong malawak na pang-unawa, bukas na pag-iisip at matatag na paninindigan. 

    Ang parteng ito ay sampu ng aking mga opinyon, tama man o mali, akin pong pinaninindigan. 

    Wala pa man ay humihingi na po ako ng kapatawaran. Matabil ang aking panulat, masakit ang aking salita. Kung masaktan man kita, oo, ikaw na mambabasa, nawa'y patawarin mo ang aking pagsubok na ipakita ang realidad ng buhay.

    ITO ANG REALIDAD NA AKING KINALAKIHAN AT KATATANDAAN.

    Salamat sa pagbabasa, mabuhay ka, oh mambabasa!


    -Pablo Juan

    Archives

    April 2012
    December 2011
    October 2011
    September 2011
    August 2011
    June 2011
    May 2011
    April 2011
    March 2011
    February 2011
    January 2011
    December 2010
    November 2010

    Categories

    All
    Love
    Miss
    Relationships
    Ulan